top of page

Gusto Ko Lang Mag-Blog

  • Writer: tangkapinas
    tangkapinas
  • Nov 2, 2019
  • 5 min read

Akalain Mo Yun, Buhay Pa Pala Ang OPM?


Akalain mo yun? Patay na daw ang OPM?

Madalas kong marinig yan sa kung kani-kanino. Patay na daw ang OPM. Pinatay na daw ng mga kanta ngayon na tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan. Pinatay na daw ng ibang kultura. Pinatay na daw ng mga Pinoy na mas pinipiling makinig sa kung anong sikat.


Kakauwi ko lang galing sa Music Museum. Nanood ako ng Akalain Mo Yun Part 2, concert ng Mayonnaise kasama ang I Belong To The Zoo, si Champ Lui Pio, at si Barbie Almalbis. Punong puno yung venue at marami pang nanggaling sa probinsya. Maraming mag-isa lang pumunta. Maraming hindi magkakakilala. Pero lahat nandoon dahil sa iisang bagay; para panoorin ang OPM na buhay na buhay at sumisipa pa.


Nag-umpisa yung concert sa meet & greet. May mga nagpa-picture sa Mayonnaise at may mga nakipagkwentuhan pa at nangumusta. Nakipagkulitan lahat ng members ng banda at syempre, di mawawala ang mga biro ni sir Monty.


Pagkatapos ng meet & greet, pinalabas muna lahat ng tao para opisyal nang makapagpapasok ng mga manonood ng concert at makapag-umpisa na ang event. Pumunta na backstage ang mga artists para maghanda at yung mga organizers, nag-assist ng mga manonood at nag-interview sa labas ng concert hall.


NANG biglang namatay lahat ng ilaw. Naghihiyawan pa ang mga tao nang may ilang mga aninong umakyat sa stage para sa isang ritwal. Ritwal na lahat tayo kasali. Ritwal na gabi-gabing ginagawa ng maraming tao at banda. Ritwal na nangyayari sa kung saan-saang sulok ng Pilipinas. Ang ritwal na ipakitang buhay ang OPM.


Nang bumukas ang ilaw, nasa stage na ang Mayonnaise na sinamahan pa ng Manila String Machine. Inumpisahan nila ang concert sa pagkanta ng Porta, Sinungaling, Gusto Ko Lang Kasama Ka Palagi, kasunod ng Paraan, You Can’t Be Right, at Pano Nangyari Yun? Pagkatapos ng unang set ay ipinakilala ni sir Monty ang isa sa pinakamainit na mang-aawit at manunulat ngayon, kung paanong nagsimula sya sa Yellow Room noong nasa Tonight We Sleep pa lamang, naging solo artist, at naging full band. Si Argee Guerrero, kasama ang mga ka-banda sa I Belong To The Zoo.


Inawit ng I Belong To The Zoo ang Patawad Paalam, kasunod ng Balang Araw, at para tapusin ang kanilang set ay muling umakyat sa stage si sir Monty para kantahin nila ang I Miss You ng Blink 182.


Pagkatapos ng set kasama ang I Belong To The Zoo, tinugtog ng Mayonnaise ang Synesthesia at kwinento kung paanong nasa EDSA si sir Monty nang makita ang billboard ni Angel Locsin, at doon mismo ay napasulat sya ng kanta. Sinundan ito ng Pag Wala Ka at ang Kapag Lasing Malambing. Bago ipakilala ang susunod na special guest, kwinento ni Monty kung paanong tinulungan nila ang bandang ito noong tumugtog sa UP Fair, at naging matalik na magkaibigan mula noon. Agad na tinawag ni Monty si Champ Lui Pio ng Hale.


Nag-umpisa ang set nila kasama si Champ sa pag-cover ng Yellow ng Coldplay, at sinundan ng Kung Wala Ka kung saan naki-awit ang lahat. Matapos ang set kasama si Champ ay kinanta ng Mayonnaise ang Torres, at inalay naman ang susunod na kanta, Wag Mo Kong Iwan, sa kanyang nanay na nanood din ng concert. Sa kalagitnaan ng kanta ay di maiwasang maluha ni Monty, at agad namang sinalo ng crowd ang pag-awit; kabisado at sigurado sa bawat salitang sinasambit. Matapos ang kanta ay pinaliwanag ni Monty na isinulat nya ang awiting ito nang pumanaw ang kanyang ama, kaya’t may kirot ito sa puso sa tuwing aawitin nya ito. Sinundan naman nila ito ng Pink White Blue.

Bago magpatuloy ang programa ay ikwinento muna ni Monty kung paanong 1st year high school sya sa La Salle – Zobel nang mapanood ang susunod na panauhin. Inimbitahan ng school nila ang Hungry Young Poets, at nang matapos ang unang kanta ay naghagis ang bokalista ng banda ng isang relo na nasalo ni Monty. Doon nya napagdesisyunan na magbabanda rin sya. Ang bokalistang ito ay walang iba kundi si Barbie Almalbis. Tinawag nya si Barbie sa stage at inawit nila ang Torpe kung saan nagsagutan ng maiinit na solo sa gitara si Monty at si Barbie sa bridge ng kanta.

Sa huling parte ng concert, inawit ng Mayonnaise ang Tayo Na Lang Dalawa, Jopay, at Bakit Part 2, kung saan walang isang salitang pinalagpas ang crowd at naki-awit sa lahat ng kantang ito hanggang matapos ang programa.


Nang bumaba sa stage ang Mayonnaise at nagpahinga backstage, nagpaunlak sila ng interviews sa iba’t ibang productions, at nagkaroon din ng pagkakataon ang fans na magpa-picture.


SABI NILA, patay na raw ang OPM.


Ang mga bagay na nakikita mo sa lente ng camera at screen ng telebisyon at cellphone ay malayo sa kung ano ang tunay na kalagayan ng OPM ngayon.

Kung patay na ang OPM, bakit daan-daang tao ang nakinig at naki-awit kagabi?

Kung patay na ang OPM, bakit may mga manonood na galing pa sa probinsya ang walang pag-aalinlangang pupunta sa concert sa Metro Manila?

Kung patay na ang OPM, bakit alam pa ng mga tao ang bawat salita ng mga awiting halos isang dekada na ang tanda?

Gusto mong malaman kung bakit?

Kasi buhay ang OPM.

Kasi may nakikinig.

Kasi may lumilikha.

Kasi may umaawit.

Kasi buhay ang OPM.

Kasi may nakikinig.

Kasi may lumilikha.

Kasi may umaawit.

Kasi may nasasaktan.

Kasi may nasisiyahan.

Kasi may libo-libong istorya pa ang hindi naikwento. May libo-libong awitin pa ang hindi naisulat.

Binuhay, at patuloy na binubuhay ito ng mga banda at mang-aawit na walang sawang kakanta para mambulabog, mang-harana, manakit, at magpasaya gabi-gabi.

Binubuhay ito ng mga taong walang kapagurang pumupunta sa mga gigs at concerts saan mang sulok ng bansa.


Binubuhay ito ng mga taong tulad mo, dahil kung binabasa mo ito ngayon, malamang naghahanap ka rin ng sagot sa mga katanungan mo.


Pero totoo, nasa puso ko, mo, nila, natin, ang OPM.


At walang tigil itong tumitibok at nagpapadaloy ng mga salita at melodiyang nagsasabing ikaw na lang ang kulang para manatiling buhay ang OPM.


Kaya sa susunod, sumama ka samin. Isulat mo na yung kantang matagal mo nang gustong isulat. Ipasa mo na yung demo na matagal mo nang pinag-iisipan kung matatanggap ba. I-record mo na yung unang kantang natapos mo.


Kasi bukas makalawa, kapag sumasabay na rin yung mga tao sa mga awitin mo, mapapasabi ka na lang ng...


Akalain mo yun?

Sinulat ni Aya Lagac


Si Aya Lagac ay may librong kaniyang isinulat at kaniyang inilabas noong 2016 na may pamagat na, Alika. Maaari ninyong bisitahin ang kaniyan Facebook at Instagram, o mag-email sa kaniya para sa karagdagang impormasyon.

Ito ang nilikha naming video highlight ng Akalain Mo Yun Part 2 concert, na may kasamang 'behind the scenes', na sana'y magsilbing isang alala ng napakagandang gabi at musika.



Comments


© 2019 | tang·ka

  • w-facebook
  • Twitter Clean
bottom of page